Inihain ng mga kongresistang miyembro ng oposisyon ang isang resolusyon na nagpapahayag ng kanilang mariiing pagtutol sa pagpapawalang-bisa sa amnestiya na ipinagkaloob kay Sen. Antonio Trillanes.
Ang House Resolution No. 2155 ay inihain nina Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, Magdalo Rep. Gary Alejano, Akbayan Rep. Tom Villarin, Ifugao Rep. Teddy Baguilat, Northern Samar 1st District Rep. Raul Daza, at Capiz 1st District Rep. Emmanuel Billones.
Hinihimok ng mga kongresista na kondenahin ng Mababang Kapulungan ang anila’y walang basehan, labag sa batas at iresponsableng pagpapawalang-saysay sa amnestiya.
Giit ng mga mambabatas, ang hakbang ay labag sa batas dahil ang pagkakaloob ng amnestiya ay ‘final, absolute at irrevocable’.
Iginiit din ng mga kongresista na kailangan munang sumailalim sa concurrence ng Kongreso at Senado ang pagsasawalang bisa sa amnestiya.