Hindi bababa sa 19 na pasaherong sakay ng Emirates flight ang kumpirmadong may sakit matapos makatanggap ng ulat ang mga otoridad na nasa 100 pasahero at airplane crew ang nagsabing masama ang kanilang pakiramdam.
Nanggaling sa Dubai ang Emirates Flight 203 at lumapag sa John F. Kennedy International Airport (JFK) sa New York City.
Dahil sa reklamong masama ang kanilang pakiramdam ay pansamantalang isinailalim sa quarantine ang naturang eroplano.
Ngunit ayon sa tagapagsalita ng mayor ng New York City, pinayagan nang makaalis sa eroplano ang mga nag-clear na pasahero, habang tatlong mga may sakit naman ay dinala na sa ospital upang obserbahan.
Inireklamo ng mga pasahero at cabin crew ang ubo at lagnat, ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC).
Ayon kay White House Spokesperson Sarah Sanders, patuloy na mino-monitor ni US President Donald Trump ang sitwasyon.
Wala pang inilalabas na impormasyon ang mga otoridad tungkol sa posibleng sakit na nasagap ng mga nagkasakit na pasahero.