Muling ipinatawag ni House Appropriations Committee Chair Karlo Nograles si NFA administrator Jason Aquino at ang mga kinatawan ng NFA Council upang pagpaliwanagin sa ginawang paglihis sa budget ng ahensya.
Pinagpaliwanag ang mga ito kung bakit malaking bahagi ng Price and Supply Stabilization of Rice fund at ng Buffer Stocking Program fund ng ahensya sa taong 2017 at 2018 ay ipinambayad-utang lamang ng mga ito sa Land Bank of the Philippines at sa Development Bank of the Philippines.
Ayon sa mambabatas mula Davao City, ang subsidiyang ito ay nakalaan para suportahan ang mga lokal na magsasaka at pambili ng palay upang maging buffer stock ng ahensya sakaling bumaba ang suplay nito sa mga pamilihan.
Nauna nang tinawag ng mambabatas ang ginawang paglilihis o paglilipat ng pondo ng NFA bilang “misappropriation,” at “technical malversation.
Dalawang magkakasunod na taong nakitaan ng COA ang NFA ng katulad na paglabag at nagkakahalaga ito ng mahigit sa P7 Billion.
Ito rin ang nakikita ng Kamara na sanhi ng kakulangan sa suplay ng bigas at pagsirit ng presyo nito sa mga pamilihan lalo na sa Mindanao.