Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, dokumento at hindi video ang pinag-uusapan para mapatunayan ni Trillanes na nag-apply siya ng amnesty.
Katunayan, sinabi ni Roque na hindi rin sapat ang application form kundi dapat ang received copy.
Ito ay para mapatunayan ni Trillanes na tinanggap ng gobyerno ang kanyang aplikasyon na amnesty.
Hanggang sa ngayon, pinaninindigan ng palasyo na walang inihahaing aplikasyon si Trillanes at wala ring admission of guilt.
“Well, unang-una po, hindi ko po alam kung iyong application na iyan ay na-receive po ng gobyerno. Kinakailangan naman, hindi lang siya magpapakita ng application, kinakailangan ‘received application’ ang ipapakita niya. Iyong mga video wala pong sabihin iyan, dahil ang importante po iyong dokumento mismo ‘no; at pangatlo, ano ang nakasulat doon sa dokumento kung meron ngang ganyang dokumento, dapat umaamin siya doon sa krimen na kudeta na sa tingin ko po ay hindi po talaga nangyari,” ayon kay Roque.