Ayon kay Renato Reyes, secretary general ng Bayan, hindi napapanahon at lalong dapat tutulan ang water rate hike kasunod ng anunsyo ng Philippine Statistics Authority o PSA na pumalo na sa 6.4% ang August inflation rate.
Malinaw aniya na ang dagdag-singil sa tubig ay panibagong pasakit para sa mga consumer, na hirap nang maka-agapay sa mataas na presyo ng mga bilihin tulad ng bigas at produktong petrolyo.
Katwiran pa ni Reyes, walang transparency ang proseso ng rate rebasing, kaya hindi nabigyan ng pagkakataon ang stakeholders gaya ng mga consumer na maihayag ang kanilang pagkontra.
Batay sa impormasyon, nakatakdang iprisenta ng Metropolitan Waterworks Sewerage System o MWSS ang rekumendasyon nito para sa ipatutupad na pagtaas sa singil sa tubig.
Posibleng aabot sa mahigit pitong piso per cubic meter ang dagdag-singil ng Manila Water habang mahigit sa anim na piso per cubic meter naman ang water rate increase ng Maynilad.