UAAP Season 81, aarangkada na sa Sabado

By Rhommel Balasbas September 05, 2018 - 07:54 AM

Bubuksan na ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang 81st season ng torneo sa Sabado, September 8.

Dahil dito, inilabas na ang official schedule at lineups ng men’s basketball tournament.

Buena-mano ng 81st season ang harapan ng UE Red Warriors at UP Fighting Maroons alas-2 ng hapon sa Sabado na susundan ng host na NU Bulldogs at UST Growling Tigers alas-4 ng hapon.

Samantala, inilabas kahapon (araw ng Martes) ng UAAP ang revised guidelines para sa paggamit ng drums sa kasagsagan ng mga laro para sa 81st season.

Mula sa lima, binawasan ng board sa apat ang bilang ng bass drums habang mananatili sa dalawa ang snare drums na pwedeng gamitin.

Ito ay upang maging angkop ang drumming sa flow ng mga laro.

Ayon kay UAAP Executive Director Rebo Saguisag, ang bagong polisiya ay ipatutupad upang mapaganda ang komunikasyon sa pagitan ng mga atleta, coaches at mga opisyal sa kasagsagan ng mga laro.

Ipinagbabawal ang pagpapatunog ng drums tuwing timeouts at intervals ng laban.

Ang bagong polisiya ay ipatutupad sa malalaking venues tulad ng Smart Araneta Coliseum at MOA Arena habang ang lumang polisiya para sa mas maliliit na game venues na paggamit ng isang bass at isang snare drum ay mananatili.

TAGS: 81st season, Radyo Inquirer, UAAP, 81st season, Radyo Inquirer, UAAP

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.