Pagbawi sa amnesty ni Senador Trillanes, trabaho lang ayon sa Malacañan

“Trabaho lang.”

Ito ang naging bwelta ng Palasyo ng Malacañan sa akusasyon ni Senador Antonio Trillanes IV na pulitika ang nasa likod sa pag-revoke ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amnesty na ipinagkaloob noon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Sa pulong balitaan sa Jerusalem, Israel, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na dalawang taon nang inaral ng Department of National Defense (DND) at legal team ng pangulo ang amnesty ni Trillanes.

Katunayan, sinabi ni Roque na binigyan pa ng administrasyon si Trillanes ng maximum tolerance bago ideneklarang walang bisa ang amnesty.

Sinabi pa ni Roque na matapos mapatunayan na hindi sumunod si Trillanes sa proseso ng pagkuha ng amnesty, walang ibang alternatibo ang pangulo kundi ang ipatupad ang batas.

“It’s two years in the offing. There was maximum tolerance shown but when it was confirmed na walang compliance with the requirements set forth for the amnesty wala naman pong alternatibo ang Presidente but to execute the laws. Trabaho lang po,” ani Roque.

Batay sa Proclamation Number 572, idedenklara ni Pangulong Duterte na walang bisa ang amnesty na ipinakaloob ni dating Pangulong Aquino kay Trillanes dahil una hindi naman ito nag-apply ng amnesty at ikalawa, hindi nito inamin na nagsagawa siya nang kudeta nang mag-aklas sa gobyerno at sugrin ang Oakwood Hotel sa Makati noong 2003 at Manila Peninsula Hotel sa Makati noong 2007.

Read more...