Trillanes maghahain ng TRO ngayong araw

Maghahain ng temporary restraining order ngayong araw ang kampo ni Sen. Antonio Trillanes.

Ito ang ibinunyag ng senador na nananatili ngayon sa kustodiya ng Senado at iginiit na hindi magpapaaresto sa mga awtoridad kasunod ng pagpapawalang-bisa sa kanyang amnestiya.

Makailang beses na lumabas ng kanyang opisina si Trillanes upang magbigay ng pahayag sa media at batiin ang kanyang mga taga-suporta sa hallway.

Iginiit ng senador na ‘political persecution’ ang ginagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanya ngunit naniniwala anya siyang malalampasan niya ang madilim na bahagi ng kanyang buhay na ito.

Sinabi pa ni Trillanes na paglipas ng mga araw ay kumpyansa siyang mananagot ang pangulo sa taong-bayan.

Ikinalulungkot anya niya ang paggamit sa mga uniformed personnel para lamang sa political agenda pero naniniwala anya siya na mayroong back-fire ito.

Sa panayam ng media, sinabi naman ni Atty. Rey Robles, abogado ni Trillanes na walang basehan ang pagpapawalang-bisa sa amnestiya at pag-utos na arestuhin ang senador.

Giit ng abogado, ang kasong rebelyon na inihain laban kay Trillanes ay tila nabasura na nang ibigay ang amnestiya at hindi na pwedeng buhayin pa.

Read more...