Mabilis na pag-aresto at HDO vs. Trillanes inihirit ng DOJ

Hiniling ng Department of Justice o DOJ sa Makati City Regional Trial Court na mag-isyu ng alias warrant of arrest at hold departure order o HDO laban kay Senador Antonio Trillanes.

Ito’y makaraang i-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipawalang-saysay ang amnestiya kay Trillanes na ipinagkaloob noon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Ang alias warrant ay karaniwang iniisyu kung ang orihinal na arrest warrant ay naibalik sa peace office, at natambak sa archive ang kaso.

Sa mosyon ng DOJ, sinabi nito na malinaw sa kaso ni Trillanes na nakabinbin pa ito sa korte, at hindi pa tuluyang nababasura.

Nasuspinde lamang ng Makati RTC Branch 148 ang promulgation of judgement noong December 16, 2010.

Ang kaso ni Trillanes ay kaugnay sa kudeta na pinangunahan nito hanggang sa makulong ang senador, ngunit nabigyan siya ng amnesty ni Aquino.

Sa hiling na HDO, sinabi ng DOJ na kailangang maglabas ng korte nito dahil may kakayahan at resources si Trillanes para makapuga o makatakas upang makaiwas sa batas.

Pasado alas-tres ng hapon kanina ay natanggap na ng Makati Regional Trial Court ang mosyon ng Department of Justice na humihiling ng pag-iisyu ng alias warrant of arrest at hold departure order o HDO laban kay Senador Antonio Trillanes.

Ayon kay Atty. Mara Malabag-Peralta, clerk ng Makati RTC branch 148, natanggap na ng korte ang Omnibus motion for the issuance of HDO at Alias Warrant laban kay Trillanes.

Sinabi ni Peralta na nakarating sa kanilang tanggapan ang mosyon ng DOJ dakong 3:15 ngayong hapon.

Pero sinabi ni Peralta na pag-aaralan pa ni Judge Andres Bartolome-Soriano ang mosyon at babasahin pa ang mga dokumento may kaugnayan sa kaso.

Titingnan din ng husgado kung anong tugon ang gagawin sa mosyon ng DOJ.

Read more...