Hindi makapaniwala si Labor Secretary Silvestre Bello III sa alegasyon ni OFW party-list Representative John Bertiz kaugnay sa maling paggamit ng P1.9 billion na pondo ng Department of Labor and Employment (DOLE.)
Sinabi ni Bello na malayo sa katotohanan ang isinawalat ni Bertiz na mayroong misspending na halos dalawang bilyong piso ang kanyang tanggapan.
Pinaliwanag ng kalihim na maingat na maingat siya sa paggastos ng pondo ng kagawaran na inilaan sa kanya ng Kongreso mula pa noong 2016.
Labis aniya siyang nalulungkot dahil kung sino pa ang primerong kritiko sa sinasabing hindi maayos na pondo ng labor department ay yaong inaasahan sanang kinatawan ng mga overseas Filipino worker (OFWs) sa kongreso.
Nabatid sa kalihim na sa ginanap na budget hearing ng DOLE, mayorya ng mga kongresista ay nakasuporta sa mga inisyatibo at programa ng kagawaran.
Nakadidismaya lamang aniya na maging ang ginamit na batayan sa sinasabing misspending na report ng Commission on Audit ay hindi rin naipresenta sa kongreso o sadyang wala talagang ipakikitang dokumento.
Nanindigan si Bello na ang tanging layon ng pagsisiwalat ni Congressman Bertiz sa nasabing public hearing ay magpasikat o grandstanding.