Senadora de Lima, dumating sa preliminary conference ng kanyang drug case
Dumating sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) kahapon si Senadora Leila de Lima upang dumalo sa preliminary conference tungkol sa kasong nakasampa laban sa kanya na may kaugnayan sa iligal na droga.
Ayon sa isa sa mga abogado ng senadora na si Atty. Boni Tacardon, wala namang nipresenta ang prosekusyon na matibay na ebidensya na magpapatunay na ginamit ni de Lima ang kanyang co-accused na si Jose Adrian Dera sa pagkuha ng pera at mga sasakyan mula sa drug lord na si Peter Co.
Ani Tacardon, tanging testimonya ng mga witness ang iprinisenta ng prosekusyon.
Kabilang sa mga witness ang mga convicted drug lord at high-profile inmates na sina Co, Hans Anton Tan, at Jaybee Sebastian na pare-parehong nakapiit ngayon sa New Bilibid Prison.
Dagdag pa ng abogado, walang naipakitang relasyon sa pagitan ni Dera at de Lima, at nakasaad din ito sa affidavit ni Dera.
Batay sa alegasyon ng prosekusyon, ginamit ng dating Department of Justice (DOJ) secretay si Dera upang kumuha ng pera mula sa mga convicted drug lord sa pamamagitan ng illegal drug trade sa loob ng national penitentiary upang gamitin ito sa kanyang kampanya sa pagkasenador noong 2016.
Sa ngayon ay nananatiling nakalalaya si Dera, habang nakapiit si de Lima sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame.
Magaganap ang susunod na pretrial hearing ni de Lima sa September 28.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.