Kamara may banta sa anti-federalism senators
Nagbanta si House Committee on Constitutional Ammendments Chairman Vicente Veloso na ikakampanya upang hindi iboto ang mga senador na hindi umaaksyon sa isinusulong na pederalismo.
Ayon kay Veloso, nag-usap na sila ng nasa 100 na kongresista upang ikampanya na huwag iboto sa 2019 midterm elections ang mga hindi pa pinangalangang mga senador.
Paliwanag ng mambabatas, noong una kaya ayaw umaksyon ng mga senador ay dahil sa joint voting na nais ni dating Speaker Pantaleon Alvarez pero ngayon anya na ipinasa na nila ang separate voting na resolusyon ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ay hindi pa rin umaaksyon ang senado.
Nais anya ng Kamara na trabahuhin na ang federalism dahil mayroon nang draft ang consultative commission na pinamumunuan ni dating Chief Justice Renato Puno at gumastos na ang gobyerno dito.
Iginiit nito na parang sinasabi ng mga senador na ayaw umaksyon sa federalism na hayaan na lamang maghirap ang mga mahihirap na rehiyon.
Sinabi pa nito na kung magko-convene naman ang Senado at Kamara bilang Constituent Assembly ay hindi nangangahulugan na magkasama sila sa isang lugar kundi magpapasa ang mga ito ng kanya-kanyang bersyon saka magkakaoon ng bicameral conference upang i-reconcile ang hindi pinagkasunduang probisyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.