Inatasan ni House Deputy Speaker Prospero Pichay ang Department of Information and Communication Technology na doblehin ang mga cell sites sa bansa.
Sa pagdinig ng 2019 budget ng DICT, sinabi ni Pichay na kulang na kulang ang cell-sites sa bansa lalo na ang mga highly populated areas.
Tinukoy ng kongresista na ang kakulangan sa cellsites ang dahilan ng mga problema ng mga subscribers tulad ng drop-calls, mabagal na internet service, delayed text messages at pangit na signal.
Mula sa 30,000 cellsites, pinadodoble ito sa 60,000 cellsites sa buong bansa at ipinalalagay ito sa mga lugar na may malalaking bilang ng populasyon tulad sa Metro Manila, Davao City, Cebu, at Cagayan de Oro.
Nagbiro pa si Pichay na mabuti na lamang at hindi marunong gumamit ng android ang pangulo dahil kung hindi ay tiyak na puputaktihin ang DICT ng tawag at sermon mula sa Presidente.
Aminado naman si DICT Sec. Eliseo Rio na malaki talaga ang pangangailangan sa dagdag na cellsites para matugunan ang matagal na problema sa mga telcos.