Aminado ang Philippine National Police (PNP) na mayroong problema o pagkukulang sa security system matapos ang magkasunod na pagsabog na naganap sa Sultan Kudarat.
Ayon kay PNP spokesperson Senior Superintendent Benigno Durana, hindi aniya kakayaning bantayan ang bawat kanto, palibot at bawat sulok ng Sultan Kudarat.
Ito aniya ang dahilan kaya umaapela sila sa publiko na maging mapagmatyag at agad iulat sa mga otoridad ang mga mapupunang kahina-hinalang aktibidad.
Sa pagsibak naman sa mga mataas na opisyal sa Sultan Kudarat sinabi ni Durana na kailangan itong gawin dahil magsasagawa ng imbestigasyon ang PNP sa posibleng pagkukulang sa ipinatutupad na seguridad sa lalawigan.
Malinaw aniyang nagkaroon ng security lapses dahil naulit pa ang pagsabog sa bayan ng Isulan.
Tiniyak naman ni Durana sa publiko na ginagawa ng PNP ang lahat para mabusisi ang ipinatutupad na sistema upang masigurong hindi na mauulit ang insidente.