Habagat na pinalalakas ng Typhoon Jebi nagpapaulan sa malaking bahagi ng bansa

Nagpapaulan ngayon sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas ang Habagat na pinalakas ng Bagyong Maymay o ‘Typhoon Jebi’ na kasalukuyan nang nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon sa 4am weather advisory ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,330 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Extreme Northern Luzon.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 180 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 220 kilometro bawat oras.

Kumikilos ito sa direksyong Hilaga Hilagang-Kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Ngayong araw, makararanas ng mahihina hanggang sa katamtaman at paminsan-minsan ay malalakas na pag-uulan dahil sa Habagat ang Metro Manila, Pangasinan, CALABARZON, Central Luzon, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas at Zamboanga Peninsula.

Sa nalalabing bahagi naman ng bansa ay inaasahang mainit ang panahon maliban na lamang ang mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Read more...