Nagpasalamat si Agriculture Secretary Manny Piñol sa tiwalang ibinigay sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang naging rekasyon ng kalihim matapos sabihin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na buo pa rin hanggang sa ngayon ang kumpyansa sa kanya ng pangulo bagaman maraming problemang kinakaharap ang ahensya patungkol sa kakulangan sa supply ng bigas.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Agriculture (DA) secretary na nangangako siyang gagawin ang lahat ng kanyang makakaya upang maayos na magawa ang kanyang trabaho.
Samantala, sinabi naman ni Piñol na nalungkot siya dahil nawala sa konteksto ang kanyang panukalang bumuo ng Rice Trading Center sa Tawi-Tawi.
Tinutukoy ni Piñol ang naging tanong ng isang mamamahayag sa departure speech ni Pangulong Duterte kung saan tila iminumungkahi niya na gawing ligal ang rice smuggling sa bansa.
Paliwanag ni Piñol, sa pamamagitan ng Rice Trading Center sa Tawi-Tawi ay mawawakasn ang pagpupuslit ng bigas at tataas din ang kita ng bansa sa isa hanggang dalawang bilyon.
Aniya, magsusumite siya ng memorandum kay Pangulong Duterte sa kanyang pagbalik mula Israel at Jordan upang ipaliwanag ang kanyang suhestyon.
Samantala, sinabi naman ng kalihim na hindi niya alam kung siya ba ang pinatutungkulan ni Pangulong Duterte nang sabihin mabanggit ng punong ehekutibo ang pangalang Bello habang pinag-uusapan ang tungkol sa problema sa bigas ng bansa.
Ayon kasi sa pangulo, tatakbo ito bilang senador.
Ngunit ayon kay Piñol, wala siyang plano at hindi rin niya gustong tumakbo sa pagka-senador.
Humingi rin ng paumanhin si Piñol dahil hindi ito nakasama sa delagasyon ng pangulo papuntang Israel at Jordan.
Paliwanag ng DA secretary, mayroon siyang mga bagay na kailangang tutukan sa kanyang ahensya kaya hindi siya nakasama sa naturang biyahe.
Gayumpaman, hiling niya na maging successful ang biyahe ng pangulo at kanyang delegasyon.