Kabilang ang dalawang bata sa naitalang namatay matapos pasabugin ng isang suicide bomber ang isang sasakyan sa labas ng Howlwadag district sa Mogadishu, Somalia.
Ayon kaay Salah Hassan Omar, tagapagsalita ng alkalde ng Mogadishu, bukod sa dalawang bata ay nasawi rin sa pambobomba ang tatlong sundalo at ang isa pa ay isang sibilyan.
Ayon naman kay Captain Mohamed Hussein, lumabas sa kanilang imbestigasyon na sinubukang lusutan ng suicide bomber ang isang checkpoint ngunit pinigilan ito ng mga otoridad. Dahilan ito upang mapwersang pasabugin ng suicide bomber ang kanyang sarili.
14 katao naman, kabilang ang anim na mga bata, ang nasa intensive care unit. Kasama sa mga nasugatan si deputy district commissioner Ibrah Hassan Matan.
Matapos ang insidente ay inako ng Al-Shabab ang responsibilidad sa pagpapasabog.
Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Abdiasis Abu Musab, target nilang pasabugin ang district office kung saan mayroong nagaganap na pagpupulong.