Nanindigan ang mga Katolikong obispo sa bansa na hindi dapat nagkaroon ng pagtatakip sa mga kaso ng pang-aabuso na kinasasangkutan ng mga opisyal ng Simbahan.
Ang pahayag ay inilabas ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President at Davao Archbishop Romulo Valles kasunod ng mga ulat kaugnay ng sexual abuses ng isang kardinal sa Estados Unidos.
Ayon kay Valles, nasasaktan at nahihiya ang mga Simbahan sa eskandalo at ang sakit ay mas naging malala dahil sa pagtatakip sa mga pang-aabuso.
Nanindigan din si Valles na kinakailangang panagutin ang mga alagad ng simbahan na mapapatunayang nangmolestiya.
Aniya, ang kontrobersiya ay mainam na pagkakataon para muling balikan at pag-aralan ng simbahan ang umiiral na panuntunan laban sa kanilang mga alagad na masasangkot sa pang-aabuso.
Kasabay nito, nanawagan din ang CBCP sa mga Katoliko na magdasal at mag-ayuno.