Hindi kasalanan ng mga babae kung sila’y rape victim – PCW
Iginiit ng Philippine Commission on Women (PCW) na kailanman ay hindi kasalanan ng mga kababaihan na sila’y maging biktima ng rape o panggagahasa.
Ginawa ng PCW ang pahayag sa gitna ng panibagong “rape joke” ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Paliwanag ng komisyon, ang katawan, hitsura o paraan ng pananamit ng isang babae ay hindi imbitasyon ng rape at iba pang uri ng pang-aabusong sekswal.
Paalala pa ng ahensya, hindi dapat itinuturing na biro ang “rape issue” lalo pa’t nagdudulot ito ng pangmatagalang epektong pisikal at emosyunal sa mga biktima.
Nababahala ang PCW na mananatili ang ‘rape culture’ sa bansa, hangga’t may mga indibidwal o institusyon na ginagawang katatawanan ang rape at tila ginagawang normal ang sexual violence o ‘di kaya ay isini-sisi sa mga kababaihan ang dahilan.
Kasabay nito, nanawagan ang komisyon para sa seryosong pagkilos laban sa lahat ng uri ng tinatawag na gender-based violence sa mga komunidad at dapat panagutin sa batas ang sinumang magkakasala dito.
Malinaw anila na ang rape ay isang krimen at paglabag sa human rights.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.