Malacanang todo-depensa sa puna na mahirap magtayo ng negosyo sa Pinas
Palasyo, dumepensa sa pananaw ng ilang international business group na hindi na masaya ang mag-negosyo sa Pilipinas.
Tiniyak ng Malacañang na patuloy na tinutugunan ng pamahalaan ang mga hamon ng pagnenegosyo sa bansa para mas makahikayat ng mga investors.
Ito ang tugon ng administrasyon sa inilabas na report ng European Chamber of Commerce and Industry na hindi na gaanong masaya ang maglagak ng negosyo sa Pilipinas dahil sa ilang nakakalitong polisiya.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na ang tinutukoy ng ECCI ay apektado ng mga proseso ng Commission on Audit at ng hukuman.
Kaugnay nito ay tiniyak ni Coloma na gagawin pa rin ng pamahalaan ang nararapat upang patatagin ang tiwala ng mga mamumuhunan at lumahok pa rin sa pagnenegosyo.
Una dito ay inihalimbawa ECCI ng nakalilitong implementasyon ng mga lokal na polisiya ng bansa ang nangyari sa JKG-Power Plants na nanalong bidder sa Motor Vehicle License Plate Standardization Program ng Land Transportation Office (LTO) kung saan nai-award na ang proyekto pero biglang nagdesisyon ang Commission on Audit na ihinto ang pagbabayad sa kompanya dahil mali umano ang naganap na proseso ng bidding.
Ipinagmalaki rin ng Malacanang na mas umunlad ang pamumuhunan, negosyo at ekonomiya ng bansa sa ilalim ng liderato ni Pangulong Aquino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.