Dalawang isyu, una ang “government to government importation” (G2G) ng NFA at ikalawa ay “private sector importation” (G2P) sa pamamagitan ng MAV (“minimum access volume”) ng World trade Organization (WTO).
Sabi ni NFA administrator Jason Aquino, mas mabilis ang G2G kaysa G2P at agarang mapupunuan ang “nababawasang”NFA buffer stocks at nais niyang mag-import (G2G) nang 1M metric tons. Duda si Aquino sa mga importasyon ng MAV dahil napupunta lamang daw sa mga “rice cartels”. Noon pang Abril, inihinto niya ang extension ng mga permits ng mga MAV importers.
Sa kabilang panig, ayaw naman ng inter-agency NFA council (18 members kabilang ang Central Bank, NEDA, Finance) ng “government to government importation” ng NFA dahil “inabuso” ito noon. Bukod sa “komisyon” sa “counterpart foreign farmer-supplier”, at sa pagpili ng “shipping company”, may posibilidad ng “overloading” ng kargamento na matuturing ding “smuggling”. Bukod dito, ang pag-import ng 1M metric tons ay magdadagdag ng P24-B utang nito sa Land Bank. Nitong 2017, ayon sa COA, ginamit ng NFA ang P7-B budget sa importasyon at hindi sa pagbili ng palay sa mga local farmers.
Magkakaibang opinyon na tumagal ng halos isang taon ang dalawa hanggang sumabog noong Abril ang balita na 200,000 bags na lang o 0.35% ang buffer stock ng NFA.
Kumilos si Presidente Duterte, sinibak ang Pnoy-appointee na si DA usec Halmen Valdez dahil pinayagan nito ang mga private (MAV) rice imports hanggang Marso 31, kahit panahon ng anihan. Katwiran naman ni Valdez, pinatupad lang niya ang utos ng NFA council.
Nitong Agosto, ibinalik ni Presidente ang NFA sa ilalim ng Department of Agriculture. Pinayagan din ang NFA na mag-import G2G ng 250,000MT para mapunan ang lumiliit na “buffer stock”. At pinayagan ang mga private importers na magpasok ng lampas sa 2018 MAV quota na 805,200MT ng bigas. Bukod pa dito, bibili na raw ang NFA ng mga palay ng mga local farmers ng mas mahal sa P17/kilo.
Ang punu’t dulo ng kasalukuyang krisis ng bigas ay itong away nina NFA council head Evasco at ni NFA Aquino kasama na si Agriculture sec. Manny Piñol. Pinalubha pa ito ng paghinto ng supply ng “smuggled rice” mula Malaysia na ilang taon nang pagkain ng mga taga- Zamboanga city, Tawi-tawi, Sulu at Basilan na ngayo’y P75 hanggang P80/kilo.
Pero, sa desisyon ni Presidente, nanalo si Piñol dahil “under” na niya ang NFA, si Administrator Aquino, pati Pesticides and Fertilizer Authority. Babantayan ba ni Sec. Piñol ng totohanan ang mga “anomalya” sa G2G rice importations na aabot ng 1M metric tons?
Kaduda-duda kasi ang kwento ng “bukbok” sa 130,000 sacks sa MV Tay Son 2 sa Subic Bay Freeport at 200,000 sacks ng rice sa MV Emperor 1 sa Tabaco city, Albay o kabuuang 330,000 sako. Talaga bang binukbok ang mga dumating na NFA rice mula Thailand at Vietnam? Kasi po, kapag binukbok, isosoli sa supplier. Ngayon daw sumailalim ito ng “12 days fumigation” at “24-hour aeration”. Totoo kayang “fumigation”? Tandaan na ang market value nito sa P27 per kilo ay P445.5M. Ang laking pera kayat bahala kayong mag-isip.