Ayon sa 4am advisory ng weather bureau, nasa labas pa ng bansa ang bagyo at inaasahang papasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) mamayang hapon at lalabas din bukas.
Sakaling makapasok na ng bansa ay papangalanan itong ‘Maymay.
Huling namataan ito sa layong 1,515 kilometro Silangan ng Basco, Batanes.
May kalakasan ang bagyo taglay ang lakas ng hanging aabot sa 205 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 255 kilometro bawat oras.
Posible itong maging Super Typhoon at kumikilos sa bilis na 20 kilometro kada oras sa direksyong Hilagang-Kanluran.
Hindi naman inaasahang tatama ito sa kalupaan ngunit hahatakin nito ang Habagat na magdadala ng ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Ngayong araw, inaasahan ang pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa CALABARZON, Bicol Region, MIMAROPA at buong Visayas.
Sa nalalabing bahagi naman ng bansa kabilang na ang Metro Manila ay maganda ang panahon maliban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Ang low pressure area (LPA) naman na nagpaulan sa Luzon nitong weekend ay tuluyan nang nalusaw.