Dumating na sa Hasa-Hasa Shoal sa dulong bahagi ng Palawan ang isang barko ng Philippine Coast Guard para para tumulong na maalis ang nabahura o sumadsad na barko ng Philippine Navy.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Chief Col. Noel Detoyato na pinag-aaralan na nila ang gagawing extraction sa sumadsad na BRP Gregorio Del Pilar.
Isang underwater assessment ang ginagawa ng mga divers ng PCG at Philippine Navy para makita kung may nasira sa alinmang bahagi ng barko.
Sinabi sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo na nagsasagawa ng routine patrol sa lugar ang BRP Gregorio Del Pilar nang sumadsad ito sa mababaw na bahagi ng Hasa-Hasa Shoal pero sa kabutihang palad ay wala namang nasaktan sa mga sakay ng barko.
Nagsasagawa na ng hiwalay na inbestigasyon ang Philippine Navy sa nasabing insidente.
Sinabi ni Detoyato na ang mahalaga ay maialis sa lugar ang barko ng Philippine Navy.