Kinasuhan ng hepe ng pulisya sa Cebu City si Mayor Tomas Osmeña dahil sa umano’y pakikialam sa kanilang trabaho bilang mga alagad ng batas.
Sa kanyang reklamong inihain sa Office of the Ombudsman, sinabi ni SSupt. Royina Garma na nakialam umano si Osmeña kaya nakalaya ang kanilang mga hinuling sangkot sa iligal na refilling ng Liquefied Petroleum Gas at butane cannister sa lungsod.
Mga kasong obstruction of justice, abuse of authority at violation of ethical for public officials ang mga reklamong inihain laban kay Osmeña.
Sinabi ni Garma na mayroon silang mga kuha ng video at dokumento na magpapatunay na inarbor ni Osmeña ang mga hinuli nilang suspek sa iligal na refilling ng LPG.
Noong isang taon ay inalis kay Osmeña ang police supervision sa lungsod.
Sa isang event ng League of Municipalities of the Philippines sa Mandaue City ay binatikos ng pangulo si Osmeña makaraan umanong sabihin nito na ang pangulo ay protektor ng iligal na droga.
Binuweltahan siya ng pangulo sa pagsasabing ang alkalde ang sangkot sa illegal drug trade.
Wala rin umanong karapatan si Osmeña na angkinin ang Cebu at hindi rin niya pwedeng ipagyabang na apo siya ng dating pangulo ng bansa.
Sinabi naman ng alkalde na bahala na ang pangulo na mag-isip kung sino siya tutal ay hindi naman ito makikinig sa kanyang paliwanag.
Binangggit rin ng alkalde na sinisiraan lamang siya ng ilang personalidad na nagbibigay ng mga maling impormasyon sa pangulo.