NFA bibili ng palay sa mga magsasaka sa mataas na halaga
Itataas na ng National Food Authority (NFA) ang presyo sa pagbili ng palay para maengganyo ang mga magsasaka na sa kanila na magbenta ng kanilang mga ani.
Aminado si NFA spokesman Rex Estoperez na ang P17 per kilo na presyo ng palay na inilaan ng ahensya ay noon pang 2008 nailatag.
Sa kasalukuyan ay P20 na per kilo ang buying rate ng palay sa private traders kaya doon nagbebenta ng kanilang mga ani ang mga magsasaka.
Naniniwala rin ang opisyal na sa pamamagitan ng price adjustment ay mas madadagdagan ang bigas na ibinebenta ng NFA sa mas murang halaga.
Pero hangga’t hindi ito nagagawa ay mananatiling mataas ang presyo ng bigas sa mga pamilihan at ang tanging solusyon para makontrol ito ay sa pamamagitan ng importation ayon pa sa opisyal.
Sa ilang lugar sa Mindanao ay umabot na sa P75 kada kilo ang presyo ng bigas dahil sa kakulangan ng suplay sa merkado.
Tiniyak ng tagapagsalita ng NFA na gumagawa na sila ng hakbang para maihatid ng mabilis sa ilang lugar sa Mindanao ang kinakailangang suplay ng bigas para mapunan ang buffer stock sa rehiyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.