Nagdeklara na ng national emergency ang Indonesia dahil sa lumalalang problema sa nagaganap na forest fire sa nasabing bansa.
Aminado si Indonesian Vice-President Jusuf Kalla na matindi na rin ang International pressure para ideklara ang state of emergency.
Aminado ang nasabing opisyal na nabalam ang kanilang deklarasyon dahil na rin sa pakiusap ni President Joko Widodo na uunahin muna niya ang kanyang U.S trip.
Kaagad din namang naputol ang kanyang pagbisita sa Washingto at makaraan ang pulong kay U. President Barrack Obama ay kaagad na rin siyang bumalik sa Indonesia para bisitahin ang mga apektadong lugar.
Dahil sa deklarasyon ng state of emergency ay mas magagamit na nila ang dagdag na pondo at resources ng gobyerno para sugpuin ang problema sa forest fire at makapal na haze.
Magugunitang umabot na rin sa iba pang mga bansa sa Asya tulad ng Pilipinas ang nasabing haze.
Naka-sentro ngayon ang Indonesian government sa paghahakot ng mga matatanda at mga batang residente ng Kalimantan at Sumatra para mailipat sila sa mga mas ligtas na lugar.
Bukod sa negosyo, apektado na rin ng haze ang turismo sa kabuuan ng Indonesia.