Martin Dino umatras na sa kanyang presidential bid
Umatras na sa kanyang kandidatura sa pagka-presidente si Martin Dino, Chairman ng Volunteers Againts Crime and Corruption (VACC) na siya ring pambato sa 2016 elections ng PDP-Laban.
Ayon kay Dino, isinumite niya ngayong umaga sa Comelec Law Department ang kanyang statement of cancellation/withdrawal.
Nainsulto raw kasi siya nang makatanggap siya ng liham mula sa Comelec kung saan siya ay itinuturing bilang isang nuissance o panggulong kandidato lamang.
Ginawa umanong batayan ng Comelec Law Department ang kanyang panayam sa media na nagsasabing hinihintay lamang niya na magdeklara ng kandidatura sa pagka-presidente si Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Pinagdudahan din umano ng komisyon ang kanyang kapasidad na maglunsad ng national campaign.
Ayon kay Dino, walang batayan ang ginawang basehan ng Comelec Law Dept na ibinatay lamang sa ispekulasyon o haka-haka.
Nakasaad naman sa ikaapat na paragraph ng kanyang liham na ang magiging substitute niya bilang opisyal presidential candidate ay si Duterte.
Hanggang sa mga oras na ito ay nananatiling tahimik ang kampo ni Duterte sa nasabing isyu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.