Itinanggi ng Malakanyang na pinepersonal nila ang Australian missionary na si Sister Patricia Fox.
Ginawa ni Presidential Spokesman Harry Roque ang paglilinaw para pabulaanan ang nasabing alegasyon ng dayuhang madre.
Ayon kay Roque, hindi maaaring sabihin ni Sister Fox na personal na pag-atake sa kanya ang deportation order ng Bureau of Immigration dahil ito ay ibinase sa kautusan ng noo’y Justice Secretary na si Leila de Lima.
Kung mayroon aniyang dapat sisihin sa sinapit na kapalaran ni Sister Fox ito ay si Senador de Lima.
Kaugnay nito, tiniyak ni Roque na ibinibigay sa madre ang lahat ng legal remedy na maaari nitong samantalahin.
Mayroon si Sister Fox na 30 araw para iapela ang deportation order dito.
Gayunman, kung hindi babaligtarin ng Deparment of Justice ang desisyon kailangan nitong umalis ng Pilipinas.
Iginiit ni Roque na bagama’t marahas ang nasabing batas, dapat pa rin itong ipatupad.
Payo naman ng kalihim sa iba pang dayuhan na may temporary visa, huwag mamolitika habang nasa Pilipinas.