Pagtalakay sa martial law extension sa Mindanao, “masyado pang maaga” ayon sa Malakanyang

By Isa Avendaño-Umali August 31, 2018 - 02:09 PM

 

Naniniwala ang Malakanyang na masyado pang maaga para pag-usapan ang posibilidad ng pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.

Ito’y kasunod ng pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng mahigit tatlumpu.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, “premature” pang talakayin ang martial law extension dahil kung tutuusin ay pangalawa pa lamang ang insidente sa Isulan mula nang maideklara ang batas militar sa Mindanao.

Dagdag ng opisyal, matagal pa ang Disyembre kung kailan matatapos ang implementasyon ng martial law sa rehiyon, kaya matagal din ang panahon kung kailan dapat humingi ng ekstensyon sa Kongreso si Pangulong Rodrigo Duterte.

Dahil dito, sinabi ni Roque na sa ngayon ay mainam na hintayin muna ang rekumendasyon ng Armed Forces of the Philippines o AFP.

Nauna nang sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na opsyon ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao, bunsod ng Isulan bombing.

Ang martial law sa Mindanao, na idineklara dahil sa giyera sa Marawi City noong nakalipas na taon, ay matatapos sa December 31, 2018.

 

TAGS: malacanang palace, Martial Law, Mindanao, malacanang palace, Martial Law, Mindanao

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.