Binatilyong nakapatay sa kapwa menor-de-edad, hawak na ng Caloocan Police

 

Hawak na ng Caloocan Police ang 15-anyos na binatilyo na nakapatay sa 14-anyos na menor-de-edad sa Barangay 144 sa Caloocan City.

Ang suspek ay nagtago sa bahay ng kanyang lola sa Bacoor, Cavite, matapos niyang mapaslang ang biktima na umano’y nakaalitan nito.

Matapos ang negosasyon sa pagitan ng mga pulis, mga opisyal ng barangay at mga kapatid ng suspek, ay naaresto na ang suspek umaga ng Biyernes (August 31).

Nagpumiglas pa ang suspek at nagbanta na magpapakamatay kapag siya’y hinuli.

Ayon sa mga kaanak ng suspek, nagpasya silang isuko na lamang ang binatilyo para mabigyan ng hustisya ang biktima.

Aminado rin ang pamilya ng suspek na natatakot sila para sa kanilang buhay, makaraang mapabalita ang ginawa ng binatilyo.

Humingi naman ng tawad ang mga ito sa ginawang krimen ng kanilang kapamilya.

Batay sa CCTV, makikitang patay ang 14-anyos na menor-de-edad matapos paghahampasin ng kahoy ng 15-anyos na binatilyo.

Maraming tambay ang nakakita sa pangyayari, pero wala ni-isa sa kanila ang umawat.

 

Read more...