Sandiganbayan, inakusahang lumabis sa poder nito sa kaso ni dating Pangulo Arroyo

12121Inakusahan ni dating Solicitor General Estelito Mendoza ang Sandiganbayan nang pag-gawa ng sariling batas.

Sa isang press conference sa Makati City, sinabi ni Atty. Mendoza, abogado ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo – gumawa ng bagong batas ang anti-graft court.

Partikular na tinukoy ni Mendoza ang kasong plunder laban kay Arroyo na may kinalaman sa paggasta ng intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.

Sinabi ni Mendoza na lagpas na ito sa hurisdiksyon ng Sandiganbayan dahil ang pag-gawa ng batas ay trabaho ng legislative branch.

Tinukoy pa ni Mendoza na sa ilalim ng plunder law, kailangan na mag-accumulate o mag-acquired ng ill-gotten wealth ang isang akusado pero sa kaso ni Arroyo ay wala aniya itong ginawa para kasuhan ng plunder.

Sa sampu aniyang kinasuhan ng plunder ng Sandiganbayan, tanging si Arroyo na lamang ang nananatiling nakakulong habang ang siyam ay pinayagang makapag-piyansa.

Wala nang nakikitang dahilan pa si Mendoza para hindi ipagkaloob kay Arroyo ang piyansa na nararapat para dito.

Samantala, tumanggi namang magkomento sa paratang si Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang. Sa isang text message sa Radyo Inquirer sinabi nito na nasa Supreme Court na ang usapain kaya hintayin na lamangng desisyon nito sa kaso.

Read more...