Ilang kasunduan sasaksihan ng pangulo sa Israel at Jordan
Sasaksihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglagda sa ilang kasunduan kabilang ang labor, defense, at investment deals sa biyahe nito sa Israel at Jordan sa September 2 hanggang 8.
Ayon kay Department of Foreign (DFA) Affairs Undersecretary Ernesto Abella, ang pagbisita ng Pangulo sa Israel at Jordan ang unang pagkakataon ng isang lider ng Pilipinas mula ng magkaroon ng diplomatic ties ang bansa sa dalawang bansa noong 1957 at 1976.
Nakita aniya ng pangulo na tamang panahon na para palakasin ang ugnayan sa Israel at Jordan dahil marami ng mga Pilipino sa naturang mga bansa.
Nakatakdang pirmahan sa Israel trip sa September 2 hanggang 5 ang Memorandum of Agreement on the Employment of Filipino Caregivers, memorandum of understanding na layong isulong ang palitan ng pag-aaral sa siyensa, at memorandum of understanding sa pagitan Board of Investments ng Pilipinas at Ministry of Economy and Industry ng Israel.
Umaasa aniya ang bansa na magiging maayos ang proseso ng deployment ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Israel at mabawasan ang kanilang malaking placement fees.
Sa Jordan trip naman sa September 6 hanggang 8 ay inaasahang malagdaan ang mga kasunduan sa foreign affairs, labor, at defense.
Kabilang ang kasunduan sa tamang patakaran sa recruitment ng OFW sa nasabing bansa.
Ang panukalang labor deal sa Jordan ay magiging katulad ng kasunduan ng Pilipinas sa Kuwait.
Nakatakda ring makipag-pulong ang pangulo sa mga lider ng Israel kabilang si Prime Minister Benjamin Netanyahu at King Abdullah II ng Jordan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.