Itinanggi ng National Food Authority (NFA) ang akusasyon na inilipat ang P5.1 billion na pondo na inilaan para ma-stabilize ang supply at presyo ng bigas at mais at ibinayad umano sa utang ng ahensya.
Sa isang statement ay sinabi ng NFA na nilinaw ng kanilang finance managers na walang nangyaring funds diversion.
Ang pahayag ng ahensya ay sa gitna ng pagsampa ng kasong technical malversation at graft ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) laban kay NFA administrator Jason Aquino at accounting services department manager Gerry Ambrocio.
Nag-ugat ang reklamo sa report ng Commission on Audit (COA) na gumastos umano ang NFA ng P3.01 billion para sa Food and Security Program subsidy bilang offset sa dating guarantee fees at kontribusyon sa Debt Reserve Funds habang ang P2.09 billion ay ibinayad umano sa utang ng ahensya.
Ayon sa NFA, wala umanong nabanggit sa COA report ukol sa diversion of NFA funds.
Noong 2017 ay nagsumite ang NFA ng report sa Department of Budget and Management (DBM) na nagdetalye kung paano aktuwal na nagastos ang P5.1 billion subsidy.
Tiniyak ng ahensya sa publiko at sa kanilang mga empleyado na walang problema sa NFA funds. Bukas umano ang kanilang records para sa pagsusuri.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.