Itinuring ni Health Secretary Francisco Duque III na walang basehan ang plano ng mga abogado at doktor na ireklamo siya kaugnay ng pagkamatay ng mga bata dahil umano sa Dengvaxia.
Reaksyon ito ni Duque sa anunsyo ni Pubic Attorneys’ Office (PAO) forensics chief Dr. Erwin Erfe na may grupong magsasampa ng kaso laban sa kanya para ma-revoke ang kanyang lisensya bilang doktor.
Dagdag ni Erfe, plano rin nilang maghain ng mga kaso sa International Criminal Court (ICC).
Pero ayaw nang palakihin ni Duque ang reklamo na isasampa ni Erfe at ng PAO sa Professional Regulation Commission (PRC) at ICC.
Giit ng kalihim, walang batayan, malisyoso at gawa gawa lamang ang magiging reklamo laban sa kanya.
Nakasuhan na dati si Duque, pati sina dating Health Sec. Janette Garin, ibang opisyal ng Department of Health (DOH) gayundin ang mga opisyal ng Sanofi Pasteur, ang manufacturer at distributor ng Dengvaxia.