NFA sinita sa pagdinig ng kamara kaugnay sa hindi awtorisadong paglilipat ng pondo
Sinita ni House Appropriations Committee Chair at Davao City Rep. Karlo Nograles ang National Food Authority dahil sa hindi awtorisadong paglipat ng pondo para sa programa sa pagbili ng palay upang ipambayad sa utang ng ahensya.
Sa pagdinig ng komite sinabi ni Nograles na nagresulta ang hakbang na ito ng NFA sa mababang lebel ng buffer stocks ng bigas, na naging sanhi naman ng kakulangan ng NFA rice sa mga pamilihan at nagpataas sa presyo nito sa ilang bahagi ng bansa.
Maliban anya sa Commssion on Audit report na nag”red flag” sa pagpapalihis ng alokasyon para sa buffer stock ng NFA noong 2017, inulit na naman ito ng ahensya ngayong 2018.
Binigyang-diin ni Nograles na nakasaad sa COA report na sa P5.1 bilyong pisong nakalaan sa NFA para sa subsidiya sa Price and Supply Stabilization of Rice ng ahensya, pinambayad anya ang P2.09 bilyong piso dito para sa principal at interes ng pagkakautang ng NFA na nagkakahalaga ng 1.046 bilyong piso sa Land Bank of the Philippines at 1.044 bilyong piso sa Development Bank of the Philippines.
Ito ayon sa Davao solon ang sanhi kung bakit hindi naabot ng NFA ang palay procurement target nito, dahil tanging 28,514 metriko toneladang palay lamang ang nabili ng ahensya o nasa 18.58% lamang ng kabuuang target noong 2017 na 153,483 metriko toneladang palay.
Ngayong taon, ayon kay Nograles, muling inilipat ng NFA ang limang bilyong piso sa kabuuang P7-bilyong pisong nakalaan para sa Buffer Stocking Program upang bayaran ang kanilang pagkakautang sa LBP at DBP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.