WATCH: Amerikano na suspek sa pagpatay sa negosyanteng Australian sa Pasig arestado
Arestado ang isang American national na suspek sa pagpatay sa isang negosyante na Australian national sa Pasig City kamakailan.
Nadakip sa isinagawang follow-up operation ng Pasig City Police Station ang dayuhang si Kenneth Domell Bethea, 58 anyos at residente ng Snta, Lucia, Pasig City.
Base sa CCTV footage, si Bethea ang huling nakitang lumabas sa opisina ng biktimang Australian na si Lambros Zervas sa One Oasis Hub A Condominium noong August 28 ng hapon bago ito natagpuang patay.
Nadiskubre ang walang buhay na si Zervas ng maintenance staff makaraang humingi ng tulong si Rocelyn Zervas asawa ng biktima para mabuksan ang pintuan ng opisina.
Nang mabuksan na ang pinto doon nila nakita ang duguang biktima na may saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad namang nadakip ang suspek kinabukasan sa basement parking ng nasabing gusali na nagtangka pang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtatali ng lubid sa kaniyang leeg nang makita ang mga pulis na aaresto sa kaniya.
Ayon kay P/Sr. Supt Rizalito Gapas, hepe ng Pasig City police, mabuti na lamang at naputol ang tali nang tumalon si Bethea kaya hindi ito nasakal.
Batay sa imbestigasyon, bago ang krimen, tumawag pa si Bethea sa asawa ng biktima at nagde-demand ng pera. Matapos makausap sa telepono si Bethea, tinawagan na ng misis ang kaniyang mister pero hindi na ito sumasagot sa telepono.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong murder laban sa suspek.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.