LPA sa Silangan ng Samar nakapasok na ng PAR

Nakapasok na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang low pressure area na binabantayan ng PAGASA sa Silangan ng Visayas.

Ayon sa 4am weather advisory ng PAGASA, huling namataan ang LPA sa layong 1,000 kilometro Silangan ng Guiuan, Eastern Samar.

Hindi naman inaasahang magiging bagong bagyo ang sama ng panahon sa loob ng 24 hanggang 48 oras at posibleng malusaw sa mga susunod na araw.

Samantala, ang bagyo naman na may international name na ‘Jebi’ ay huling namataan sa layong 3,030 kilometro Silangan ng Hilagang Luzon.

Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 140 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 170 kilometro kada oras.

Kumikilos ito sa bilis na 20 kilometro kada oras sa direksyong Kanluran Hilagang-Kanluran.

Ayon sa PAGASA, kung hindi magbabago ang direksyon at bilis ng bagyo ay papasok ito ng PAR sa araw ng Linggo o Lunes ngunit hindi inaasahang tatama sa kalupaan ng bansa.

Samantala, sa ngayon ay nakakaapekto na lamang ang Habagat sa Batanes at Babuyan Group of Islands na magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-uulan, pagkulog at pagkidlat.

Ang nalalabing bahagi naman ng Luzon kabilang na ang Metro Manila, buong Visayas at Mindanao ay makararanas ng maalinsangang panahon maliban na lamang sa mga panandaliang pag-uulan dulot ng localized thunderstorms.

Read more...