Hindi pabor si Vice President Leni Robredo sa posibilidad na muling mapalawig ang martial law sa Mindanao region.
Ang pahayag ng bise presidente ay kaugnay sa sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na isa sa mga opsyon ng Malacañan ay palawigin pa ang batas militar sa Mindanao dahil sa pagsabog sa Sultan Kudarat na kumitil sa buhay ng dalawang katao at nag-iwan ng mahigit 30 sugatan.
Para kay Robredo, patuloy pa rin ang terrorist activities kahit may martial law sa Mindanao, kaya ano ang katiyakan aniya na mahahadlangan ang terorismo kapag na-extend ang batas militar.
Ayon pa kay VP, hindi sigurado na magiging epektibo ang martial law extention sa pagsawata sa mga problemang nangyari sa Sultan Kudarat.
Giit ni Robredo, mainam pa kung magkaroon ng pag-aaral sa iba pang mga hakbang na posibleng ipatupad at hindi basta-bastang palawigin ang batas militar sa Mindanao.
Magugunita na hanggang sa katapusan na lamang ng taon ang martial law declaration sa Mindanao, na sinimulang ipinatupad makaraang mangyari ang giyera sa Marawi City.