Umaasa si Vice President Leni Robredo na mabubuo muli ang tiwala ng publiko sa Korte Suprema kasabay ng pagkakatalaga kay bagong Chief Justice Teresita Leonardo-de Castro.
Ayon kay Robredo, bagaman sa kaunting panahon lamang mamumuno si de Castro sa Supreme Court ay magagawa pa rin nitong maibalik ang tiwala ng mga tao at ang integridad sa Mataas na Hukuman.
Sinabi ng bise presidente na mahalagang haligi ng ating demokrasya ang isang malakas na Korte Suprema, kaya sana’y magawa ito ni de Castro.
Dagdag pa ni Robredo, sa maikling panahon na ibinigay kay de Castro ay mainam na bigyang-halaga niya ito at magsulong ng iba pang programa upang mapalakas ang judicial system sa bansa.
Si de Castro ay magsisilbing Chief Justice sa loob lamang ng hindi bababa sa apatnapung araw, at nakatakdang magretiro sa Oktubre.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na itinalaga niya si de Castro dahil sa “seniority” at hindi dahil sa naging pagboto nito pabor sa pagpapatalsik si dating SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno.