Mandatory incentive leave pasado na sa huling pagbasa sa Kamara

Pasado na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Kamara ang panukalang batas na magbibigay sa empleyado ng 10 araw na incentive leave with pay bawat taon sa layong pagbutihin ang morale, wellness at productivity ng manggagawa.

Sa botong 203-0, ipinasa ng House of Representatives ang House Bill No. 6770 na layong amyendahan ang Article 95 ng Presidential Decree No. 442 o ang Labor Code of the Philippines.

Kapag naging batas, ang empleyado na isang taon na sa kumpanya ay entitled sa taunang service incentive leave na 10 araw mula sa kasalukuyang 5 araw.

Ayon sa pangunahing may akda ng bill na si Baguio Representative Mark Go, sa kasalukuyang batas ay hindi obligado ang mga employers na magbigay ng sick at vacation leaves.

Prerogative aniya ng employers ang umiiral na limang araw na service incentive leave at ibang incentives sa pamamagitan ng paglalagay nito sa kontrata ng empleyado o sa collective bargaining agreement.

Gayunman, ang naturang probisyon ay hindi ipapatupad kapag mayroon nang vacation leave with pay ng 10 araw ang empleyado at sa mga istablisyimento na walang 10 ang regular na empleyado o sa mga negosyo na exempted ng Secretary ng Labor and Employment sa pagbibigay ng benepisyo matapos makunsidera ang kundisyon ng kumpanya.

Iginiit ng kongresista na parehong pakikinabangan ng mga employers at empleyado ang pagbibigay ng paid leaves dahil kapag maganda ang morale ng manggagawa ay mas mataas ang productivity na mabuti sa kumpanya.

Read more...