Isusulong ng pamahalaan na gawing apat na beses na mas malaki o P20,000 sa susunod na taon ang kasaluyang P5,000 na natatanggap ngayon ng mga tsuper bilang pang ayuda sa Pantawid Pasada Program.
Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Martin Delgra III na hindi pa naman ito pinal dahil dedepende pa ito kung maaprubahan ang budget ng kongreso.
Sa kasalukuyan, halos P1 Billion ang inilaang ayuda ng gobyerno para sa may 179,000 na jeepeney driver at operator sa buong bansa.
Kasabay nito, sinabi ni Delgra na nagdagdag na ng security feature ang Land Bank of the Philippines para masiguro na hindi magagamit sa ibang bagay ang P5,000 na ayuda dahil ekslusibo ito para lamang sa gas allocation.
Babala ni Delgra, kapag ginamit ang fuel card sa pagwi- withdraw o ipinangbili sa ibang bagay, otomatikong magpa-flag down ang Landbank sa may hawak ng card at kung lalabas na ito’y di nagamit sa tama, malaki ang posibilidad na ma-black list ang isang offender at iparerefund ang pera.
Sa ngayon, sinabi ni Delgra na wala namang balak ang gobyerno na maghain ng kaso laban sa mga lalabag sa Pantawid Pasada Program.