Hindi mag-aatubili ang Malacañang na tulungang sumailalim sa rehabilitasyon ang mga kabataang gumagamit ng droga sa viral video na sumuko na sa Malabon Police Station.
Ayon kay Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, mayroong mga rehabilitation center ang gobyerno na handang tumulong sa mga nalulong sa illegal drugs kung talagang gusto nilang magbago.
Aminado si Go na talagang nakakagalit ang viral video ng mga kabataan lalo pa at ipinakita ng mga ito ang kanilang ginagawang pag-hithit ng marijuana, minura at binastos pa si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa kalihim labis na nakakabahala ang inasal ng mga kabataang sangkot sa droga dahil puwede itong gayahin ng iba pang kabataan kaya hindi puwedeng hindi ito seryosohin.
Para hindi na madagdagan pa ang mga kabataang nalululong sa droga ay itutuloy ng pamahalaan ang kampanya laban sa illegal drugs ayon pa kay Go.