Matapos ang Sultan Kudarat bombing, martial law sa Mindanao posibleng palawigin – ES Medialdea
Posible umanong palawigin pa ang deklarasyon ng martial law sa Mindanao matapos ang insidente ng pambobomba sa isang bayan sa Sultan Kudarat, Martes ng gabi, kung saan dalawa ang namatay at mahigit 30 ang sugatan.
Ito ay ayon sa statement ni Executive Secretary Salvador Medialdea matapos dumalo sa deliberasyon para sa 2019 budget ng Office of the President sa House of Representatives.
Sinabi ni Medialdea na option ang pag-extend ng martial law sa Mindanao.
Anya, ginagawa nila ang mga hakbang upang mapadali ang lahat ngunit kung mayroon mga pangyayari tulad ng nasabing pambobomba ay hindi maaring umupo lang ang gobyerno.
Ayon kay Medialdea, ang ginawang pagsabog sa gitna ng kasiyahan ng piyesta ay nagpapakita ng malakas na presensiya ng mga teroristang grupo sa Mindanao.
Noong Mayo 23 ng nakaraang taon isinailalim ni President Rodrigo Duterte ang Mindanao sa martial law matapos ang pag-atake sa Marawi City ng ISIS-inspired Maute group.
Dalawang beses na inextend ng kongreso ang deklarasyon, at inaasahang matatapos na sa December 31 ng kasalukuyang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.