Pagpapasabog sa Sultan Kudarat kinondena ng Malakanyang; mga suspek pinatutugis ni Pang. Duterte

Red Cross Photos

Mariing kinondena ng Malakanyang ang pambobomba ng hindi pa nakilalang mga suspek sa Isulan, Sultan Kudarat kung saan may nasawi at mga nasugatan.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabi na dapat ay managot sa batas ang mga nasa likod ng nangyaring pagpapasabog.

Tiniyak pa ni Roque na dahil nasa martial law pa ang Mindanao, gagawin ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang matukoy kung sino ang mga nasa likod ng malagim na insidente at maiparamdam sa mga ito ang lakas ng batas at maparusahan sa kanilang ginawa.

Panawagan ng Malakanyang sa publiko, ipagkatiwala sa gobyerno ang pagpapagana sa sistema ng batas hanggang sa mahuli ang mga may kagagawan ng pambobomba.

Una dito’y tinumbok na ng pamunuan ng AFP ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters bilang nasa likod ng naganap na trahedya na ayon naman kay Roque ay mula pa nuo’y hindi na sang-ayon sa pakikipagkasundo ssa gobyerno kung ang pag-uusapan ay kapayapaan.

Read more...