Kinuwestiyon ng Commission on Audit kung bakit ginamit ng lokal na pamahalaan ng Makati City ang nasa P391.491 Million na development funds bilang pambayad sa mga loans na wala namang kinalaman sa social and economic development ng lungsod.
Base sa 2017 audit report ng COA, ang nasabing halaga na mula sa 20 percent Development Fund ay ginamit para sa amortization ng mga loans na may kaugnayan sa siyam na proyekto na hindi pawang mga social at economic development projects.
Dahil dito hindi nasunod ang pinaka dahilan kung bakit binuo ang nasabing pondo.
Bahagi ng mandato ng mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng Local Government Code na dapat maglaan ng hindi bababa sa 20 percent ng internal revenue nito para sa mga development projects.
Ayon sa COA, lumabas sa kanilang review sa Statement of Appropriations, Allotments, Obligations and Balances ng lungsod, ay ginamit ang nasabing pondo pambayad sa interest expense at loans payable.