Pangulong Duterte tinawag na “No.1 enemy of the state” ni Joma Sison
Tinawag na “The No. 1 enemy of the Philippine state” ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria “Joma” Sison si Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng pagbanta ng chief executive sa laban sa armed wing ng komunistang grupo na New People’s Army o NPA.
Sa isang statement, sinabi ni Sison na ang pagbanta ni Pangulong Duterte na ihinto ang pagtanggap ng mga rebeldeng NPA na sumusuko sa militar ay indikasyon na nabigo ang presidente sa kaniyang pagsulong ng localized peace talks.
Sinabi ni Sison na hinihimok ni Duterte ang mga opisyal at tropa ng militar na patayin ang mga rebeldeng NPA, at ang paggamit ng mga pamamaraan ng Oplan Tokhang sa Oplan Kapayapaan o ang counterinsurgency program ng pamahalaan.
Ani Sison, ipinapalista umano sa mga barangay officials ang pangalan ng mga NPA suspects, kamag-anak at tagasuporta kung saan sinasabing paraan ito upang sumuko, malinis ang kanilang pangalan, at makatanggap pa ng reward money.
Ngunit ayon kay Sison, ang mga nakalistang pangalan ay kinukuhanan ng litrato at nami-misrepresent bilang “NPA surrenderees” at ang nasabing reward money ay ibinubulsa ng mga opisyal ng militar. Ang listahan anya ng surrendees ay nagmimistulan ding death list.
Sinabi rin ni Sison na malaking bilang ng mga military officers ang naniniwalang si Pangulong Duterte ang kalaban ng estado dahil sa mga pagaresto na walang judicial warrant at ang malawakang pagpatay at culture of impunity.
Binatikos din ng NDFP Chief Political Consultant ang kakulangan sa tuwirang pagdedesisyon ng Pangulo sa kilos ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo ng Pilipinas at ang patuloy na pagbabago sa polisiya ng buwis.
Inilalagay anya ni Pangulong Duterte ang kaniyang buhay sa panganib.
Nauna nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana nitong Lunes na maaring nasabi lamang ni Pangulong Duterte ang pahayag kaugnay ng NPA surrenderers dahil sa lubos na pagkadismaya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.