
Inalis na sa kanyang puwesto ang isang opisyal ng National Police Commission o Napolcom makaraang makuhanan ng video ng isang sibilyan habang tinatarayan at binubulyawan ang dalawang pulis sa Bacoor, Cavite kamakailan.
Unang kumalat sa social media ang video kung saan makikitang hinihiya ni Napolcom-NCR Acting Administrative Division Chief Ana Maria Paglinawan ang dalawang alagad ng batas na unang rumesponde sa reklamo laban sa babaeng opisyal.
Ayon kay Napolcom Vice Chairman Eduardo Escueta, kanya na ring ipinag-utos ang pagbuo ng isang grupo ng mga opisyal mula sa kanilang inspection, monitoring and investigation service para imbestigahan ang insidente.
Binibigyan ni Escueta ang binuong team ng tatlong araw upang makabuo ng report sa insidenteng kinasasangkutan ni Paglinawan.
Dagdag ni Escueta, nais nilang ipakita s apubliko na hindi nila kinukunsinti ang mga maling gawain ng kanilang mga opisyal at kawani na nagbibigay bahid sa imahe ng kanilang ahensiya.
Sa video na unang napanood sa Facebook account ng ‘Police Digest kahapon, mapapanood ang panghihiya ni Paglinawan sa dalawang pulis na rumesponde sa isang reklamo sa Panapaan, Bacoor City na kinasasangkutan umano ng pamangkin ng Napolcom officer.
Dito na umeksena si Paglinawan na agad na binulyawan ang umano’y ‘pakikialam ng dalawang pulis sa insidente.