Pondo at performance ng mga partylist group pinare-review sa Kamara

Gustong isalang sa audit ng isang people’s organization ang mga proyekto at mga nalikhang panukalang batas ng mga partylist group sa Kamara.

Sa harap ito ng mga ulat na karamihan sa mga partylist organizations na may kinatawan sa Kongreso ay hindi naman talaga tunay na kumakatawan sa mga maralita at marginalized sector.

Ayon sa Pinoy Aksiyon for Governance and the Environment o Pinoy Aksiyon, tila nagiging makapangyarihan na kasi sa Kamara ang partylist groups.

Inihalimbawa pa nila ang ginawang pagpapatalsik kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez na pinalitan ni Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi ni Alberto Vicente, spokesperson ng Pinoy Aksiyon, ang pagkakahalal ni Tricia Nicole Velasco bilang First nominee ng Mata’y Alagaan na hindi naman umano totoong kumakatawan sa mga maralita.

Giit ni Vicente, panahon na para busisiin ang performance ng mga kahalintulad na Party-list Organizations para masawata ang mga nagpapanggap na mga mahihirap na kinatawan nito.

Nananawagan din ang grupo sa ethics committee o health committee sa Kamara na suriin ang mga produkto na ginagamit sa mga proyektong may kaugnayan sa health, dental at optical missions sa pangambang sa halip na makalunas sa may problema sa paningin, baka mas lumala pa ang kondisyon ng mga pasyente katulad ng nangyari sa kontrobersiyal na “Dengvaxia”.

Napag-alaman din kasi ng grupo na karamihan sa mga partylist groups ay sinasamantala ang pondo para sa kanilang mga proyekto gamit ang mga bogus na suppliers para kumita.

Ang masaklap pa ayon sa grupo, ginagamit ng mga tiwaling partylist organizations ang kanilang impluwensiya at kapangyarihan gamit ang pera ng taumbayan.

Read more...