Pang. Duterte pinatulan si Rep. Alejano, sinabing magpapaopera siya ng utak kaya pupunta ng Israel

By Chona Yu August 27, 2018 - 12:19 PM

Binuweltahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang patutsada ni Magdalo Representative Gary Alejano na patungkol sa kanyang kalusugan ang tunay na layunin ng kaniyang biyahe patungong Israel sa September 2 hanggang 5.

Sa ambush interview sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City, sinabi ng pangulo na wala namang problema sa kaniya kung operahan ang kanyang utak, tiyan o dibdib.

Bwelta pa ng pangulo, sakaling buksan ang kanyang tiyan, ipakukuha na rin niya ang kanyang dumi at irereserba na para kay Alejano.

Pabiro pang sinabi ng pangulo na maayos ang kaniyang kondisyon at kaya pa naman niyang umibig.

“Eh kung operahan nila ang utak ko doon eh di mas maganda. Wala mang problema. And then I can have my stomach open, my chest open and my brain. Eh di ipakuha ko nalang ‘yung ano ko dumi, i-reserba ko sa kanya. Sa awa ng Diyos po kaya ko pang umibig,” ayon sa pangulo.

Pero ayon sa pangulo, magtutungo siya sa Israel para personal na alamin ang kalagayan ng 28,000 Filipinos na naroon.

Umiinit aniya ang sitwasyon ngayon sa Israel pati na ang Lebanese front.

Kasama rin ng pangulo na magtutungo sa Israel ang mga paparetiro nang opisyal ng militar at pulis bilang pabuya sa paglilingkod sa bayan.

TAGS: gary alejano, Israel Trip, Radyo Inquirer, gary alejano, Israel Trip, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.