Mataas na presyo ng bilhin isinisi sa mga biyahero; price control maaring irekomenda ng NPCC ayon sa DTI
Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga palengke.
Hindi lang isda at gulay kundi maging ang presyo ng karne ay malaki na ang itinaas ng presyo.
Sa Paco Market sa Maynila, P180 na ang presyo ng kada kilo ng galunggong, P160 per kilo ang bangus at P120 per kilo ang tilapya.
Ang presyo ng gulay, mataas na din, dahil sa ang kada kilo ng talong ay P140 na, ang kamatis ay P90, ang sibuyas at luya ay P80. Habang sa Balintawak Market sa Quezon City, P600 ang kada kilo ng siling labuyo.
Mataas din ang presyo ng baboy na P220 ang kada kilo at ang manok na P150 kada kilo.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Department of Trade and Industry Sec. Ramon Lopez, P77 kada kilo ang presyo ng manok galing sa farm gate kaya dapat ay nasa P130 lang ang presyo ng manok sa mga palengke.
“Ang amin hong findings dito, ang pasa ho ng mga biyahero ay hindi pa rin ho bumababa, nung kinausap namin ang iba diyan, nagsabi sila na nagbababa sila ng papiso-piso kada araw. Ang presyuhan ho ngayon nasa P140, ang amin hong computation dapat nasa P130. Si kailangan ang mamimili kapag inoferran ng P150 ay tawaran ng P140. So ang hinahabol namin ngayon, may nakausap na kami over the phone, itong mga biyahero, dapat ibaba nila sa P120 ang bigay sa mga tindero para maibagay ng P130 sa palengke,” ayon kay Lopez.
Samantala, sinabi ni Lopez na posibleng magrekomenda ang National Price Coordinating Council (NPCC) kay Pangulong Rodrigo Duterte kung magmamatigas ang mga traders o tinaguriang mga middlemen na hindi magbaba ng presyo ng kanilang produkto.
Ani Lopez pinanghahawakan nila ngayon ang pangako ng mga biyahero na ibababa na ang halaga ng kanilang ibinabagsak na produkto sa mga pamilihan at babantayan ng DTI ang presyuhan sa susunod na mga araw
“Last resort ho natin iyon, kasi talaga namang ang NPCC ay pwedeng magrekomenda sa presidente kapag out of hand na ang presyo. Ngayon mataas pero hindi naman talagang nagwala na ang presyo. Kami ho ang humahanap at humahabol dito sa mga biyahero. Ngayon ay nakakausap pa namin, may pangako sila na magbababa ng presyo per paila-ilan pa lang yon. Sabi ho nila ay magbababa, titiginan ho natin ng mga ilang araw, pag wala pa ay talagang magrerekomenda tayo sa price control,” dagdag pa ni Lopez.
Babala ni Lopez sa mga biyahero gawing matino at tama ang kanilang presyo dahil kung hindi mapipilitan ang DTI na sila ay hulihin.
Sa ngayon ay may ugnayan na ang DTI at NPCC sa mga otoridad para mahagilap ang mga middlemen na nagsasamantala sa presyo ng manok.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.